MANILA, Philippines - Handang bitbitin ng Wushu Federation Philippines (WFP) ang magandang ipinakita sa Asian Games sa Incheon sa pagkampanya sa South East Asian (SEA) Games sa Singapore sa susunod na taon.
Ayon kay WFP secretary-general at Chief of Mission sa 2015 SEA Games na si Julian Camacho, malaki ang kanyang tiwala na kayang pangunahan ng ipadadalang wushu delegation ang kampanya ng Pilipinas dahil limang ginto ang balak nilang sungkitin sa Singapore.
“Ang sabi sa akin ng coach namin na si Samson Co ay kaya apat hanggang limang gold medals. Kaya ito ang gagawin namin. Kung di namin makuha ito, hindi na kami uuwi,” ani Camacho.
Sina Camacho at WFP president Tan Shi Ling ang nanguna sa pagbibigay pasasalamat sa mga atletang sina Daniel Parantac, Jean Claude Saclag at Francisco Solis noong Miyerkules ng gabi na ginawa sa Century Hotel.
Sina Parantac at Saclag ay naghatid ng tig-isang pilak sa larangan ng taijijian/taijiquan sa taolo at sa 60-kg sa sanda, ayon sa pagkakasunod. Si Solis ay nanalo ng bronze medal sa sanda 56-kg.
“Hindi kami masaya dahil wala kaming nakuha na gold medal pero alam namin na ibinigay ng mga atleta ang lahat ng kanilang makakaya. May sapat na panahon para mapaghandaan ang Singapore SEA Games,” dagdag ni Camacho.
Hindi kukulangin ang suporta ng WFP dahil isa ito sa priority sports ng Philippine Sports Commission (PSC) na kinatawan sa kaganapan ni executive director Atty. Guillermo Iroy Jr.
“Ang wushu ay isang sport na palaging naghahatid ng karangalan sa Pilipinas. And being part of the prio-rity sports, PSC under the leadership of chairman Ricardo Garcia, will fully support their program for 2015, especially for the 2015 SEA Games,” wika ni Iroy.
Nakiisa rin sa seremonya si POC president Jose Cojuangco Jr. na inengganyo ang iba pang wushu artists na gawing inspirasyon ang mga medalists para sila ay gumaling pa sa mga susunod na mala-laking kompetisyon na sasalihan ng bansa.
Ang kanilang financial incentives base sa Incentives Act ay kanilang matatanggap sa Nobyembre 7 kasama ng First Friday Mass ng POC. (AT)