CARSON, California – Sa pag-akyat ni Nonito Donaire Jr. sa ring sa Sabado (Linggo sa Manila) bibitbitin niya ang alaala ng kanyang tagumpay kontra kina Jeffrey Mathebula at Toshiaki Nishioka noong 2012.
Tinalo ni Donaire ang South African sa puntos noong July ng naturang taon at pinabagsak niya ang kalabang Japanese noong October sa malawak na Home Depot Center na ngayon ay kilala na bilang StubHub Center.
Tinalo rin ni Donaire sina Wilfredo Vasquez Jr. at Jorge Arce nang taong iyon upang mapanatili ang super-bantamweight titles para tanghaling Fighter of the Year.
Sa Sabado, babalik siya sa naturang venue na may bago nang pangalan kung saan naging matagumpay siya at kakalabanin niya si Nicholas Walters ng Jamaica para sa WBA fea-therweight crown.
Nangako kahapon ang 31-gulang na si Donaire, na mas maganda ang kanyang ipapakita.
“Third time. Pero mas maganda pa ito,” ani Donaire sa Pinoy scribes, apat na araw bago ang kanyang laban. “I’m ready for the fight. I’m ready,” dagdag ng four-division world champion na gustong patunayan na kahanay pa rin siya sa elite fighters.
Ang karamihan sa mga laban ni Walters, undefeated sa 24 bouts kabilang ang 20 knockouts, sa Panama at Jamaica at nakarating na sa Corpus Christi sa Texas at Macau pero hindi pa siya lumalaban sa suburban city na ito na maraming naninirahang Pinoy.