MANILA, Philippines - Naitala ng Instituto Estetico Manila Volley Masters ang kauna-unahang straight sets panalo sa men’s division sa Shakey’s V-League Foreign Reinforced Conference sa 25-20, 25-22, 25-20, panalo sa FEU Tamaraws kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagdomina ang mga spikers ng Volley Masters at sinabayan ito ng paglimita sa kanilang errors para makakalas sa dating four-way tie tungo sa pagsungkit sa solo-liderato sa 2-1 baraha.
Sina Salvador Timbal at Michael Ian Conde ay nagsanib sa 17 kills para itulak ang IEM sa 36-32 bentahe sa attack points laban sa Tamaraws.
May 20 errors din lamang ang nagwaging koponan at mas mababa ito ng 10 sa ginawa ng natalong koponan na bumaba sa 1-2 baraha sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Nanguna sa IEM si Karl Ian Dela Calzada sa kanyang 11 puntos habang si Timbal ay may 10 hits at sina Conde at Jeffrey Jimenez ay naghati sa 18 puntos para sa solidong pagtutulungan.
May tig-11 puntos sina Greg Dolor at Joel Cayaban para sa Tamaraws. (AT)