Benilde maghahabol sa semifinals

MANILA, Philippines – Sapul nang tinanggap bilang regular member ang St. Benilde Blazers  noong 1998 ay taong 2000 at 2002 pa lamang sila uma-bot ng Final Four.

Sa ganap na ika-2 ng hapon ngayon ay magkakaroon  ng pagkakataon ang Blazers na patatagin ang plano na makausad sa semifinals sa pagsukat sa Letran Knights sa pagtatapos ng 90th NCAA men’s basketball elimination round sa The Arena sa San Juan City.

May 11-6 karta ang bataan ni coach Gabby Velasco at ang makukuhang tagumpay sa Knights ay magreresulta para maka-playoff ang koponan.

Ang host Jose Rizal University at Perpetual Help Altas ay may 12-6 baraha at magkakaroon ng playoff  sakaling mayroong triple-tie sa 12-6 baraha.

Pasok na sa semis ang JRU dahil sa pinakamagandang quotient upang maiwan ang Blazers at Altas na magkita sa knockout game. Ang mananalo rito ang kalaro ng Heavy Bombers sa ikalawang playoff para sa ikatlo at apat na puwesto.

Tatapusin ng Arellano Chiefs ang makasaysa-yang kampanya sa unang yugto ng kompetisyon sa pagharap sa Lyceum Pirates dakong alas-4 ng hapon.

Selyado na ng Chiefs ang kauna-unahang pagtapak sa semifinals at okupado rin ang isa sa dalawang twice-to-beat advantage sa 13-4 baraha.

Pero kailangan pa nilang manalo sa Pirates upang opisyal na kila-lanin bilang number one sa liga. Kung matatalo sila, makakatabla ng Chiefs ang four-time defending champion San Beda Red Lions at magkakaroon ng playoff para sa seeding ng dalawang nangungunang koponan.

Bibitbitin ng Bla-zers ang 85-71 panalo sa Knights sa unang pagkikita para tumaas ang kumpiyansa at makuha ang mahalagang panalo. (AT)

Show comments