MANILA, Philippines – Inangkin ng Centro Escolar University ang kanilang ikaapat na sunod na seniors crown via two-game sweep, samantalang lumapit naman sa pagkopo sa titulo ang De La Salle Zobel at ang Chiang Kai Shek sa kanilang mga dibisyon sa 45th WNCAA basketball tournament sa Rizal Memorial Coliseum noong Linggo.
Tinalo ng CEU ang Rizal Technological University, 64-62, sa seniors category kung saan nakolekta ni star player Janine Pontejos ang kanyang pangatlong sunod na Most Valuable Player award.
Nauna nang sinikwat ng Lady Scorpions ang Game 1, 66-56 noong Setyembre 28.
Pumangatlo naman ang San Beda College Alabang matapos tapusin ang elimination round sa 4-2 at natalo sa RTU sa semifinals, 77-57.
Pinayukod din ng CEU ang RTU, 2-0, sa senior futsal finals noong nakaraang linggo.
Ang RTU ang nagkampeon sa nakaraang apat na seasons.
Sa midgets division, giniba ng nagdedepensang DLSZ ang St. Stephen’s High School, 41-17, habang dinaig ng defending junior champion CKSC ang host La Salle College Antipolo, 54-50, sa ligang suportado ng Mikasa, Molten, OneA Bed and Breakfast, Goody, Monster Radio RX 93.1 at AksyonTV.