Diterminadong bumangon ang NU

MANILA, Philippines - Walang dapat ipangamba ang mga tagahanga ng National University Bulldogs kung ang pag-asinta ng kampeonato sa 77th UAAP men’s basketball ang pag-uusapan.

Lumasap ng 70-75 pagkatalo ang Bulldogs sa FEU Tamaraws sa Game One sa best-of-three finals noong Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City para mangailangan ngayon ang koponan ni coach Eric Altamirano na manalo ng dalawang sunod upang makuha ang ikalawang titulo pa lamang ng National U sa liga.

“We’ve lost the battle, but not the war,” wika ni Altamirano na natalo sa FEU sa ikatlong sunod na pagkakataon sa season na ito.

Maliban sa ikatlong yugto, dinomina ng NU ang FEU sa ibang quarters kaya’t naipakita rin ng Bulldogs na kaya nilang makipagsabayan sa koponan ni coach Nash Racela na balak ibigay sa eskuwelahan ang kanilang ika-20th titulo sa liga.

“FEU got the momentum in the third quarter. They scored most of their points from our errors. But I’m sure it will be different in the next game,” dagdag pa ng coach.

Ang karanasang nakuha ng mga manlalaro sa kauna-unahang pagtapak sa Finals ay makakatulong para mas maging kumportable ang mga ito sa ikalawang sultada.

Nakita ang kaba sa dibdib ng mga Bulldogs sa naitalang 15-of-31 shooting sa free throw line. Bukod pa ito sa pagkawala ni Jeth Rosario sa mahahalagang tagpo sa huling yugto.

“Ang mahalaga  ngayon ay makapahinga sila, tingnan ang mga mali namin at itama ito. Ang team na ito, hindi bibigay. We’ll prepare hard for Wednesday,” sabi pa ni Altamirano.

Ito ang ikalawang pagkakataon sa playoff na mahaharap sa do-or-die games ang NU. Ang una ay noong hinarap nila ang number one seed na Ateneo Eagles at nagawa nilang pabagsakin sa pamamagitan ng dalawang sunod na tagumpay.

Sa suporta uli ng mga panatiko, tiwala si Altamirano na may ilalabas pa ang bawat manlalaro para masundan ang kauna-unahang titulo sa liga na napanalunan noon pang 1954.

 

Show comments