MANILA, Philippines – Tinuka sa meta ng Top Slice ang Exciting sa kapana-panabik na tagisan ng dalawa sa idinaos na Metro Turf Special Race noong Martes sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Inakalang naubos ang dehadong kabayo na sakay ni AV Avila nang maisuko ang liderato sa naghahabol na Exciting sa pagdiskarte ni RF Torres.
May isang dipa na ang layo ng Exciting sa huling 100-metro sa 1,200-metro karera pero nagawa pang palabasin ni Avila ang reserbang lakas ng Top Slice upang maunang lumusot ang ilong ng nasabing kabayo.
Anim ang naglabang kabayo sa nasabing karera at ang Exciting ang naunang lumundag sa pagbukas ng aparato.
Ngunit pagpasok sa back stretch ay inagaw ng Top Slice ang trangko habang ang Exciting ay tila naubos na nang malagay sa pangatlong puwesto kasunod ng Transformer.
Pagpasok sa huling kurbada ay bumangis ang takbo ng Exciting at mula sa balya ay nauna na pero may sapat pang lakas ang Top Slice na nagwagi kahit nasa labas na labas.
Kumabig ang mga naniwala sa husay ng Top Slice ng P146.50 sa win
habang ang 6-5 forecast ay mayroong P229.50 dibidendo.
Mga liyamadong kabayo ang mga nagpasikat sa unang araw ng pista na ginawa sa bakuran ng Metro Turf.
Ang Charming Liar ang siyang lumabas bilang pinakaliyamadong kabayo na
nagpasikat nang dominahin ang class division 1A sa 1,400-metro distansyang karera.
Ang puting kabayo na sakay ni CB Tamano ay nanguna sa kabuuan ng karera pero hindi masasabing madali ang panalo lalo na sa unang yugto ng karera dahil andoon ang pressure na hatid ng Toscana sa pagdiskarte ni SG Vacal.
Sa pagpasok sa rekta ay bumigay ang Toscana para makalayo ang Charming Liar na nanalo ng mahigit na apat na dipa sa pumangalawang Walk The Talk ni Jeff Zarate.
Outstanding ang Charming Liar na binigyan pa ng 56 kilos handicap weight para magkaroon lamang ng balik-taya sa win habang ang 1-2 forecast ay may P15.00 na ipinamahagi. (AT)