MANILA, Philippines – Isang mapanganib na kalaban ang makakasagupa ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire Jr. sa Oktubre 18 sa StubHub Center sa Carson, California.
Si Nicholas Walters ng Jamaica sinasabing may kakayahang magpatulog ng kalaban gamit ang alinman sa kanyang kaliwa o kanang kamay.
“A major concern is his power,” wika ni Donaire sa kanyang Twitter halos tatlong linggo bago ang kanilang WBA featherweight unification bout ni Walters.
Tangan ni Donaire ang “super” featherweight title, habang suot ni Walters ang “regular” featherweight crown.
Matapos ang kanilang laban ay makukuha ng mananalo ang ‘super’ at ‘regular’ featherweight belts.
Nakamit ni Donaire ang kanyang korona mula sa fifth-round technical decision laban kay South African Simpiwe Vetyeka sa Macau, China noong Mayo 31.
Sa undercard ng natu-rang laban ay pinabagsak naman ni Walters si Vic Darchinyan sa fifth round para makuha ang regular na WBA featherweight title.
Ang 28-anyos na si Walters ay mas bata ng tatlong taon kay Donaire at sa taas na 5-foot-7 at isang pulgada ang kanyang lamang sa Filipino fighter.
May limang pulgadang kalamangan din si Walters kay Donaire sa kanyang reach na 73 inches.
Hindi pa natatalo si Walters sa kanyang 24 fights tampok ang 20 knockouts -- na isang 83.33 percent knockout rate.
Dala naman ni Donaire ang 33-2-0 ring record kasama ang 21 knockouts.
“Training camp is going great. We are ahead in rounds already and my dad’s happy about where we are,” sabi ni Donaire, isang world champion sa apat na magkakaibang weight classes.
Kasalukuyang nagsasanay si Donaire sa California.