MANILA, Philippines - Kumuha ng lakas ang Jose Rizal sa mahusay na shooting nina Jaypee Asuncion at Bernabe Teodoro nang kanilang gulantangin ang pinapaborang San Beda ssa pamamagitan ng 74-65 panalo kahapon upang muling mabuhay ang tsansa sa Final Four ng 90th NCAA basketball tournament na nagpatuloy sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Pinangunahan ni Asuncion ang Heavy Bombers sa kanyang 19 points habang nagtala naman si Teodoro ng 15 upang tulungan ang Jose Rizal na pigilan ang mga paghahabol ng Lions tungo sa kanilang ika-10-panalo matapos ang 16-laro.
Bunga ng panalong ito ay tumabla sila sa Perpetual Help sa ikaapat na puwesto.
Matapos malimitahan sa dalawang puntos lamang sa kanilang 49-57 pagkatalo sa San Beda sa una nilang paghaharap nang magbukas ang liga noong June 28 sa MOA Arena, bumawi sina Asuncion at Teodoro upang maibalik sa kontensiyon ang kanilang koponan.
Nalasap naman ng San Beda ang ikalawang sunod na talo matapos ang masaklap na 75-76 kabiguan sa Altas na kanilang iprinotesta ngunit ibinasura ng NCAA Management Committee.
Nanatili ang Beda sa pamumuno ng standings bagama’t nalasap ang ikaapat na talo sa 17-laro ngunit naunsiyami sa asam na makasiguro ng twice-to-beat advantage na maaari nilang tuluyang angkinin kung mananalo laban sa pumapangalawang Arellano (12-4) sa October 4.
“Gusto ko lang makatulong sa team para makabawi sa ipinakita ko nung na-talo kami sa kanila (San Beda),” pahayag ni Asuncion, isang transferee mula sa Perpetual Help.
“Determinado lang talaga akong tulungang manalo ‘yung team,” sabi naman ni Teodoro.