Baste nakatikim ng panalo

MANILA, Philippines - Winakasan ng San Sebastian Stags ang pinakamahabang losing streak sa 90th NCAA men’s basketball sa 82-66 pangingibabaw sa Lyceum Pirates kahapon sa The Arena sa San Juan City.

May 25 puntos, 9 rebounds at 2 steals si Jaymar Perez habang ang iba pang beterano na sina Bradwin Guinto at Jamil Ortuoste ay may 18 at 10 puntos para sa Stags na may 10-game losing streak bago ang larong ito.

Huling nakatikim ng panalo ang Stags ay noon pang Hulyo 11 laban sa St. Benilde Blazers, 74-72.

Hawak nila noon ang 3-1 baraha bago dumausdos para magkaroon lamang ngayon ng 4-11 karta.

Kumawala ang Baste ng 29 puntos sa ikalawang yugto para angkinin ang 53-36 kalamangan na sapat na para ipatikim sa Pirates ang ika-10 pagkatalo matapos ang 16 laro.

Ito lamang ang natuloy na laro sa seniors game dahil iginawad sa Perpetual Help Altas ang forfeiture win sa laro kontra sa Emilio Aguinaldo College Generals dahil hindi ito makakabuo ng limang manlalaro matapos suspindihin ng liga ang siyam nilang players dahil sa free-for-all na nangyari sa laro laban sa Mapua.

Ito ang ika-10 panalo ng Altas sa 16 laro para pansamantalang solohin ang mahalagang ikaapat na puwesto sa liga.

Ang host Jose Rizal University Heavy Bombers na nasa ikalimang puwesto sa 9-6 karta, ay nahaharap ngayon sa krusyal na laro kontra sa San Beda Red Lions  sa pagpapatuloy ng aksyon ngayon.

Hindi magiging madali ang pakay na pagsos-yo uli sa Altas ng Heavy Bombers dahil hangad ng Lions ang unang dalawang puwesto at twice-to-beat sa Final Four. (AT)

Show comments