PHOENIX – Nagkasundo na ang Phoenix Suns at si point guard Eric Bledsoe sa five-year, $70 million contract na tumapos sa napakahaba at masalimuot na negosasyon.
Ang deal ay mas malaki sa unang alok ng Suns na four-year, $48 million contract ngunit mas mababa sa hinihingi ng agent ni Bledsoe na si Rich Paul na five-year, $80 million-plus maximum contract.
Parehong ayaw magparaya ng magkabilang panig ngunit noong nakaraang linggo ay umusad ang negosasyon dahil nahaharap ang restricted free agent na si Bledsoe sa Oct. 1 deadline para pumirma ng $3.7 million qualifying offer upang lumaro sa Suns ngayong season bago maging unrestricted free agent.
“All summer, I knew that I really would be most comfortable coming back to Phoenix because of the great fans, my Suns teammates and our coaches,’’ sabi ni Bledsoe. “I am very happy it worked out this way.’’
Si Bledsoe ay kritikal na bahagi ng double point-guard system ng Suns.
Marami siyang na-miss na laro noong nakaraang season matapos sumailalim sa operasyon para ayusin ang kanyang meniscus sa kanang tuhod.