Isa pang gold kay Fresnido

KITAKAMI CITY, Japan—Tinapos ni Danilo Fresnido ang kampanya ng Philippine team sa 18th Asia Masters Athletics Championships sa pagkopo ng ikatlong gintong medalya mula sa javelin throw sa pamamagitan ng kanyang record breaking performance nitong Martes.

Nagtala si Fresnido ng bagong Asian Masters record sa kanyang hagis na 60.48 meters sa 40-year old category ng torneong idinaraos para sa mga beterano nang athletes.

Nauna nang naka-gold sina Erlinda Lavandia sa javelin throw event din para sa mga babaeng 60-64 gulang noong Lunes habang naka-gold din si Emerson Obiena sa 45-year old men’s pole vault event.

Ang tatlong gold na ito ay sumapat sa ipinangako ng 22 athletes  na sinuportahan ang biyahe dito ng El Lobo Energy Drink, San Miguel Corporation, Petron, Sportscore, L-Time Studio, Soma, Accel, PCSO, PSC at POC.

Inialay ng mga team leaders na sina Ariel Paredes at Paul Ycasas ang performance ng Phil Team sa yumaong si Manny Ibay na nagbangon sa National Masters and Seniors Athletics Association of the Philippines (NMSAAP) bago ito pumanaw.

Mag-uuwi rin ang koponan ng dalawang silver at limang bronze medals.

Ang silver medals ay galing din kay Lavandia sa discus at hammer throws.

Show comments