INCHEON, South Korea – Mayroon nang siguradong dalawang bronze medal ang Pinas sa wushu sa kasalukuyang Asian Games matapos pumasok sina Francisco Solis at Jean Claude Saclag sa semifinals ng sanda event competition sa Ganghwa Dolmen’s gymnasium.
Ang 24-anyos na si Solis na beterano ng dalawang World Wushu Championships, ay sumandal sa kanyang bilis at lakas para sa 2-0 panalo sa 36-anyos na si Ting Hong Wong ng Hong Kong sa men’s 56kg. division.
Nagawa pang itapon sa labas ng mat ni Solis sa ikalawang round si Hong na beterano ng tatlong Asian Games.
Bitbit ang inspirasyon na ipinakita ng kakampi, hindi rin pinaporma ni Saclag si Hendrik Tarigan ng Indonesia para pumasok din sa semis ng 60kg. class.
Magkakaroon pa ng pagkakataon ang dalawang atleta ng wushu na higitan ang tiyak na bronze medal kung mananalo sa semifinals ngayon. Katipan ni Solis si Fuxiang Zhao ng China, habang makakatuos ni Saclag si Narender Grewal ng India.
Ang kambal na panalo ay pambawi sa pagkatalo ni Wally Divine sa pambato ng host country na si Kim Hyebin, 0-2, sa women’s 52kg.
Puwede pang madagdagan ang medalya ng 150-pambansang atleta dahil sina Nestor Cordova at Edgar Ilas ay nanguna sa repechage ng lightweight men’s double sculls.
Nanguna sina Cordova at Ilas sa tiyempong 6:40.95 sa 2,000m race para pumasok sa finals.
Sasalang naman sa aksyon ang Gilas Pilipinas sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa paghablot ng gintong medalya ngayong araw sa Hwaseing Sports Complex Gymnasium.
Nasa Group E ang Pilipinas at agad silang masusubukan laban sa matatangkad na manlala-ro ng India na itinala ang 80-61 pagdurog sa Kazakhstan para banderahan ang Group B sa pagtatapos ng preliminary round kahapon.
Talo na ang Pinas sa shooting, weightlifting at rowing at tennis matapos mabigo ang mga ipinanlabang atleta ngunit may mga puwede pang asahan tulad sa boxing, bowling, windsurfing, cycling, softball at iba pa.
Nakatakdang lumaban ang mga Pambansang boksingero bukas na kabilang sa mga inaasahang makapaghatid ng medalya para sa Pinas.