MANILA, Philippines - Dahil sa walang tigil na pag-ulan na nagsimula mula pa kahapon ng madaling araw bunga ng habagat na hatid ng bagyong Mario, nagdesisyon ang pamunuan ng Santa Ana Park na kanselahin ang walong karerang nakahanay kagabi sa Naic, Cavite.
Kapakanan ng mga publiko bukod pa ng mga taong nasa horse racing ang nagtulak sa management ng race track na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) na ipagpaliban na ang karera na kanilang inanunsyo kahapon ng tanghali.
Ito na dapat ang ikalawa at huling gabi sa pista bago lumipat sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas para sa weekend racing.
Bago ito ay nasiyahan ang mga dehadista noong Huwebes ng gabi nang nanalo ang Birdandson sa pagdadala ni GM Mejico.
Tumakbo ang tambalan kasama ang coupled entry Forthglory ni AB Serios at ‘di pinaboran ang mag-stablemate dahil hindi tumimbang sa huling mga takbo.
Isang 3YO-Maiden-BC race sa 1,200-metro ang karera at nasa kondisyon ang Birdandson nang kunin ang liderato sa pagpasok ng back stretch.
Mula rito ay hindi na nagpabaya pa ang Birdandson dahil hindi nito binitiwan ang liderato tungo sa halos tatlong dipang agwat sa meta.
Ang winning time ng Birdandson ay 1:16.8 sa kuwartos na 25’, 23’ at 27’.
Nakauna pa ang Hard Mineral sa naunang lumamang na Stone Rose para sa forecast.
Naghatid ang win ng P463.00 pero mas natuwa ang mga tumama sa 5-6 forecast dahil umabot ito sa P2,123.50 dibidendo.
Ang ibang nanalo ay mga napaborang kabayo tulad ng Barcelona na siyang pinakaliyamadong kabayo na nanalo sa race one na isang special class division race sa 1,300-metro distansya.
Si Jeff Zarate ang dumiskarte sa pagkakataong ito sa Barcelona kahalili ni Jessie Guce at naipagkaloob ng class A jockey ang ikalawang panalo sa huling tatlong takbo nang naisantabi ang lakas ng second choice na Snake Queen.
Balik-taya ang ibinigay sa win, habang P6.50 ang inabot ng 3-1 forecast.
Ang iba pang kabayo na nanalo ay ang Seni Seviyorum sa race two, My Hermes sa race three, La Mallorca sa race 5, Queen Of Class sa race 6, Minalim sa race 7 at Ik Hou Van Jou sa race 8. (ATan)