Manny ‘di naniniwala sa pahayag ni Floyd

MANILA, Philippines - Bagama’t sinabi na kamakailan ni Floyd Maywea­ther, Jr. na handa na siyang harapin si Manny Pacquiao kung may mgandang pagkakataon, hindi pa rin nanini­wala si ‘Pacman’.

“Puro salita lang,” wika ni Pacquiao sa panayam ng ABS-CBN News SOKSARGEN hinggil sa naunang pahayag ni Mayweather.

“Kailangan gawin niya. Huwag puro salita. Ma­da­ming dahilan eh,” dagdag pa ng Filipino world eight-division champion.

Tatlong beses bumagsak ang negosasyon para sa ka­nilang super-fight mula sa pagsailalim sa Olympic style random blood at drug testing hanggang sa hatian sa premyo.

“You can ask the same questions and get the same answers. I call my own shots,” sabi ni Mayweather (47-0-0, 26 KOs).

 Sinabi ng 35-anyos na si Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) na handa siyang sumailalim sa anumang random blood at drug testing pati na ang porsiyento sa hatian nila ng premyo ng 37-anyos na si Mayweather.

Kamakailan ay ibinunyag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na may nangyayaring negosasyon para sa Pacquiao-Mayweather showdown sa 2015.

Ngunit bago ang kanyang panalo kay Marcos Mai­dana ay pinabulaanan ito ni Mayweather.

“Dine-deny nga niya na walang negotiations eh, so mahirap 'yun,” sabi ng Sarangani Congressman.

Nakatakdang labanan ni Pacquiao si American challenger Chris Algieri (20-0-0, 8 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.

Idedepensa ng 5-foot-6 na si Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organiztion (WBO) welterweight crown kontra sa 5’10 na si Algieri.

Show comments