MANILA, Philippines – Kinuha ng Cagayan Valley ang pinakamahusay na bigmen at guard para mapalakas ang kanilang kampanya sa PBA D-League Aspirants’ Cup na magsisimula sa Oktubre 27 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si 6’7” Fil-Tongan Moala Tautuaa ang pina-ngalanan ng Rising Suns bilang top pick sa 2014 Draft kahapon sa PBA Office sa Libis.
Kinuha rin ng kumatawan sa koponan na si Nonoy Bonleon si Jeffrey Grey bilang ikalawang pick sa second round upang mapagtibay ang puwersa ng koponan na nais na makabalik uli sa Finals na naabot noong 2013.
“Sa laki niya (Tautuaa) ay malaki ang maitutulong niya sa amin,” wika ni Bonleon.
Ginamit ng Tanduay Light (dating Boracay Rhum) ang number two pick kay Ateneo off-guard Chris Newsome habang ang koponan ang siyang may top pick sa second round at kinuha nila si Roi Sumang ng UE.
“Sila naman ang gusto kong kunin talaga,” pahayag ni coach Lawrence Chongson.
Limang regular teams ang sasali uli at ang Café France-CEU ay hinablot ang 6’9” La Salle center na si Arnold Van Opstal habang ang kapartner niya sa DLSU na si 6’7”Norbert Torres ay pinili ng Cebuana Lhuillier bago kinuha ng Jumbo Plastic si Fil-Am Kris Rosales.
May anim pang koponan ang lalahok at ang kanilang mga pinili sa first round ay sina Anthony Hargrove ng M-Builders-FEU, Rob Haingan ng Wangs Basketball, Fabien Redoh ng Racal-St. Clare, Maverick Ahanmisi ng Hapee-San Beda, Rizalde Angeles ng AMA Titans, Wowie Escosio ng MP Hotel at John Azores ng Bread Story-Lyceum.
Umabot sa 15 rounds ang pilian ng player at nakasama sa kinuha ay ang actor na si Daniel Padilla ng AMA Titans. (AT)