MANILA, Philippines - Mahigpitan ang magaganap na tagisan para sa PCSO Special Maiden Race sa Setyembre 20 sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas dahil sa pagkakaroon ng 12 kabayo na magpapanagpo.
Ang mga ito ay ang Hurricane Ridge, S I Rookie, Alakdan, Princess Meili, Miss Brulay, Rock My World, Silent Moment, Dolce Ballerina, Dauntless, Epic, Real Talk at All Too Well.
Sa 1,400-metro paglalabanan ang karera na handog ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at sinahugan ng P1 milyon premyo na kung saan P600,000.00 ang mapupunta sa mananalong kabayo.
Lahat ng mga kalahok ay tiyak na inihahanda nang husto ng kanilang mga connections pero bahagyang papaboran ang Hurricane Ridge at S I Rookie na nagdomina sa ginawang trial race noong Setyembre 5 sa ikatlong racing club sa bansa.
Tinalo ng Hurricane Ridge ang Miss Brulay habang nangibabaw ang S I Rookie sa Princess Meili sa isa pang karera.
Ang papalaring kabayo ay maaaring isali ng connections sa itatakbong third leg ng Juvenile Fillies at Colts stakes race sa Oktubre.
Di tulad sa naunang dalawang yugto kung saan magkasama ang fillies at colts na naglaban, ang ikatlo at apat na leg ay kakikitaan ng paghihiwalay ng mga fillies sa colts upang magkaroon din ng pagkakataon na maiuwi ang P600,000,00 premyo para sa magkakampeon na kabayo.
Ang ikalawalang yugto ng karera bukas para sa dalawang taon gulang na mga kabayo ay gagawin sa Setyembre 21 sa Metro Turf.
Isa pang PCSO Special Maiden race ang gagawin sa Oktubre 4 sa Santa Ana Park. (AT)