MANILA, Philippines - Mas mainit ang inaasahang tagisan sa panig ng Arellano Chiefs at Jose Rizal University Heavy Bombers sa pagpapatuloy ngayon ng 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Nakataya sa dalawang koponan ang pananatili sa ikalawang puwesto sa la-rong magsisimula dakong alas-4 ng hapon.
Unang magpapang-abot ang Lyceum Pirates at Emilio Aguinaldo College Generals sa ganap na ika-2 ng hapon at kailangan ng una ang panalo para manatiling matibay ang paghahabol ng playoff para sa Final Four.
May 5-8 karta ang Pirates at nangangailangan sila na walisin ang nala-labing limang laro para maipagpatuloy ang laban sa 10-koponang liga.
May magkatulad na 9-4 baraha ang Chiefs at Heavy Bombers kaya’t ang matatalo ay bababa sa ikatlo at ikaapat na puwesto kasama ang pahingang St. Benilde Blazers (9-5).
Nanalo ang Heavy Bombers sa unang pagtutuos na nauwi pa sa triple-overtime, 99-98.
Mainit ang tropa ni coach Vergel Meneses dahil may three-game winning streak sila habang ang bataan ni coach Jerry Codiñera ay may dalawang sunod na pagkatalo.
Muling sasandal sa kamay ng mga beteranong sina Philip Paniamogan at Michael Mabulac ang Heavy Bombers bukod sa makinang na depensa na nagbibigay lamang ng 71-puntos average sa kalaban para malagay sa ikalawang puwesto kasunod ng four-time defending champion San Beda Red Lions na may 66.8 average.
Malabo pa rin ang estado ng all-around guard na si Jiovani Jalalon pero may sapat na puwersa pa ang Chiefs tulad nina Dioncee Holts, Keith Agovida, John Pinto at Levi Hernandez na puwedeng sabay-sabay na pumutok upang patingkarin ang pagiging number one offensive team ng Arellano.