MANILA, Philippines - Kailangang mag-adjust ng PBA sa schedule ng mga laro ng Kia Sorentos ni Manny Pacquiao sa kahilingan ni Columbian Autocar Corp. vice chairman Bienvenido (Chito) Santos.
Inimbitahan ni WBO welterweight champion Manny Pacquiao ang mga coaches at players ng kanyang Kia Motors PBA team para manood ng kanyang title defense kontra sa walang talong si Chris Algieri sa Venetian Resort sa Macau sa Nov. 23.
Nais niyang makita ang suporta ng kanyang koponan na balak niyang paupuin sa ikalawang row ng audience na suot ang Sorentos caps.
Sinabi ni PBA Commissioner Chito Salud na aayusin nila ang schedule ng mga laro ng Sorentos sa nalalapit na Philippine Cup para malibre ang koponan upang makapanood ng laban ni Pacquiao.
Kahit wala si Pacquiao sa draft ay hinugot siya ng Kia in absentia bilang 11th pick sa first round ng PBA draft noong nakaraang buwan.
Siya ang magiging playing coach ng Sorentos.
Nasa China noon si Pacquiao sa pagsisimula ng kanyang promotional tour na inorganisa ng Top Rank para sa kanilang laban ni Algieri.
Inaasahang lalaro si Pacquiao sa debut game ng Kia laban sa isa pang expansion team na Blackwater sa pagbubukas ng PBA ng kanilang 40th anniversary season sa Oct. 19 na posibleng gawin sa 55,000-seat Philippine Arena.
Dahil nasa kasagsagan na siya ng pagsasanay sa laban kontra kay Algieri sa mga panahong ito, inaasahang ang kanyang debut game ang tangi niyang mailalaro at makakalaro lamang uli pagkatapos ng kanyang laban sa Macau.
May ulat na kukuha si Pacquiao ng Amerikanong basketball coach para gumabay sa kanya ng anim na buwan.