MANILA, Philippines - Nakopo ng University of Santo Tomas ang kanilang ikatlong sunod na titulo sa women’s beach volleyball competition habang sinelyuhan ng National University ang pagdodomina sa men’s badminton sa pagkopo ng titulo sa pagpapatuloy ng aksiyon sa UAAP Season 77.
Bumawi ang UST Tigresses sa mahinang simula upang igupo ang De La Salle, 21-15, 21-11 kahapon sa UE Caloocan sand court.
Nagtala naman ang NU Bulldogs ng 3-0 decision kontra sa DLSU Archers sa Rizal Memorial Badminton Hall para sa kanilang ikalawang titulo sa tatlong seasons.
Nalubog ang Tigresses sa 0-4 sa opening set ngunit nakabawi sila sa tulong ng mga baguhang sina Cherry Rondina at Rica Rivera sa pamamagitan ng kanilang mga solid attacks sa net at impresibong depensa para maagaw ang kalamangan.
Ang service Ace ni Rondina ang nagbigay sa UST ng 16-6 kalamangan sa second set tungo sa tagumpay ng Tigresses.
Pinangunahan naman ni Joper Escueta, kumopo ng kanyang ikalawang MVP award, ang pananalasa ng Bulldogs matapos ang 21-11, 21-11 panalo kay EJ Boac sa opening singles, na sinundan ng panalo ni Peter Magnaye kay John Kenneth Monterubio, 21-18, 21-17 sa second singles.
Matapos ito ay nagsanib puwersa sina Escueta at Magnaye para sa 21-8, 21-10 panalo kontra kina Carlos Cayanan at Gerald Sibayan sa first doubles na sumiguro ng tagumpay.