Saints, Scorpions nagposte ng panalo

MANILA, Philippines - Ipinagpatuloy ng season host Saint Clare College of Caloocan at ng nagdedepensang Centro Escolar University ang kanilang ratsada sa 14th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa Makati Coliseum noong Biyernes.

Sumandal ang Saint Clare kay power forward Jam Jamito para talunin ang Our Lady of Fatima University Phoenix, 60-55. 

Giniba naman ng Centro Escolar ang Rizal Technological University Blue Thunder, 93-59.

Si Jamito ang umiskor ng huling limang puntos ng Saints para basagin ang 55-55 pagkakatabla na tinampukan ng kanyang basket sa huling 9.0 segundo.

Tumapos si Jamito na may 16 points at 14 rebounds para sa 9-1 record ng Saints.

Humugot naman ang Scorpions ng 17 markers kay Samboy de Leon para sa kanilang 10-0 baraha.

Sa iba pang laro, tinalo ng Diliman Computer Technology Institute Senators ang City University of Pasay Eagles, 78-68.

May 3-7 marka ang Senators sa ilalim ng Blue Thunder (4-6), habang may 2-8 karta ang Eagles.

 

Show comments