Altas at Bombers mag-aagawan para sa pangatlong puwesto

MANILA, Philippines -  Magpapatibayan nga­yon ang Perpetual Help Altas at ang host Jose Ri­zal University Heavy Bom­bers sa pagkapit sa ikat­long puwesto sa 90th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Sa alas-4 ng hapon iti­nakda ang bakbakan at ang mananalo ay didikit sa Arellano na may 9-3 ba­raha.

Magkasalo sa 8-4 kar­ta ang Altas at Heavy Bom­­bers at ang mamalasin ay bababa sa ikaapat na puwesto kasosyo ang St. Benilde Blazers (8-5).

Naging mainitan ang unang pagtutuos ng dalawang koponan at pinalad ang host school na maita­kas ang 62-61 panalo sa Altas mula sa follow-up ni Dave Sanchez.

Mataas din ang morale ng tropa ni coach Vergel Meneses dahil may dalawang sunod na panalo sila na kinuha sa Emilio Aguinaldo College Gene­rals at Lyceum Pirates sa pagharap sa Mapua.

Hindi naman padada­ig ang Altas na kasaluku­yang nasa three-game win­ning streak kon­tra sa Pirates, Letran Knights at Arellano Chiefs.

Patuloy ang kinang ng paglalaro nina Juneric Ba­loria, Harold Arboleda at Earl Scottie Thompson pero ang nagpapalalim sa arsenal ng bataan ni coach Aric del Rosario ay ang pagganda ng laro ng ibang inaasahan tulad ni  Justine Alano.

Unang magtatapat sa ganap na alas-2 ng hapon ay ang pagkikita ng Lyceum at Mapua Cardinals.

May 5-7 karta ang Pirates pero talunan sila sa hu­ling tatlong laro at lima sa huling anim na laro.

 

Show comments