USA, Dominicans, Australia nalo

BILBAO -- Tatlong teams mula sa FIBA Americas at Australia ang nagsipanalo sa Day 4 ng FIBA World Cup sa Spain.

Sumulong ang United States sa 3-0 sa Group C matapos ang 98-71 panalo kontra sa New Zealand (0-3) sa Bilbao.

Naipanalo rin ng Dominican Republic ang importanteng laro kontra sa Finland sa huling laro sa Bilbao, 74-68 kung saan nagdomina si  Eloy Vargas na tumapos ng 18 points, 13 rebounds at 4 blocks  tungo sa kanilang pagsulong sa 2-1 record.

Ang mga Finns ay nakakuha ng impresibong laro mula kay Petteri Koponen na may 21 points, 9 assists at 2 steals ngunit bumagsak pa rin sila sa 1-2  record.

Kinailangan namang bumangon ng Ukraine (2-1) upang igupo ang Turkey (1-2), 64-58 sa unang laro  nitong Martes sa Group C.

Sa Group D, pinalakas naman ng 2013 FIBA Americas Championship winners Mexico (1-2) ang tsansang pumasok sa round-of-16 matapos ang 79-55 pananalasa sa Angola (1-2) .

Agad namang lumamang ang Australia (2-1) sa 47-28 sa half-time kontra sa Lithuania (2-1) na kanilang prinotektahan tungo sa 82-75 panalo.

Kinailangan namang magpawis ng Slovenia sa unang dalawang quarters laban sa Korea bago kumawala sa second half tungo sa 89-72 panalo.

Kasalukuyang kalaban ng Gilas Pilipinas ang Puerto Rico habang sinusulat ang balitang ito.

Show comments