MANILA, Philippines - Didiretso ang Spain at ang Greece sa round of 16 at inaasahang sasamahan sila ng Senegal matapos yugyugin ang Group B sa pamamagitan ng isang upset sa Basketball World Cup.
Nakakuha ng tiket ang Spain makaraang talunin ang Brazil para manguna sa Group A, habang inangkin ng Greece ang unang slot sa Madrid sa kanilang 3-0 record.
Nagtala si Pau Gasol ng Chicago Bulls ng 26 points at 9 rebounds para sa Spain sa kanilang 82-63 panalo sa Brazil sa Granada.
Nauna nang giniba ng hosts ang Iran at Egypt sa pinagsamang 67 points, ngunit magiging mabigat ang laban sa pagsagupa sa France at Serbia.
Tinalo naman ng Greece ang Puerto Rico 90-79 sa Seville at naipanalo ang kanilang mga laro sa double digits.
Susunod na haharapin ng Greeks, nabigyan ng wild card para sa torneo, ang Croatia na binigo ng Senegal, 77-75.
Ito ang naghulog sa Croatians (2-1) sa isang three-way tie katabla ang Argentina at Senegal na ang panalo ay inaasahan ni Ukraine coach Mike Fratello.
“There are going to be a number of upsets in this tournament, I think, in the four groups, because there is such balance and a team that loses one night is going to come back the next night and play great,” wika ni Fratello.
Nakaiwas ang Americans sa pinakamalaking upset nang talunin ang Turkey 98-77 noong Linggo matapos maiwanan sa halftime, 40-35 at kunin ang 66-60 abante papasok sa fourth quarters.
Susunod nilang lalabanan ang New Zealand.
“I saw the Turkey game, but I was watching Turkey when I was watching, and it looked like New Zealand should have won, or was in a good position,” sabi ni U.S. coach Mike Krzyzewski. “So if they had a chance to beat Turkey, they must be pretty good.”
Walang laro ang mga koponan sa Groups D, A at B.
Magsisimula ang round of 16 sa Sabado sa Madrid at Barcelona.