MANILA, Philippines - Matapos lumabas ng ospital, ang agad na iisipin ay hindi makakatulong ng malaki si Mike Tolomia sa laro ng Far Eastern University kontra sa nagdedepensang De La Salle University.
Ngunit pinatunayan ni Tolomia na mali ang kanilang akala dahil gumawa ito ng 22 puntos, limang rebounds at tatlong assists para igiya ang Tamaraws sa 74-70 panalo laban sa Green Archers.
Mismong si Tolomia ang tumayong bida nang makuha ang naisablay na free throw tungo sa follow up na nagtiyak ng panalo.
Hindi pa rito natatapos ang magandang laro ni Tolomia dahil kontra sa UP, siya ay nagtala ng 19 puntos bukod sa limang rebounds para sa kanilang 75-69 pananaig.
Ang Tamaraws ngayon ay nakatiyak na ng playoff para sa Final Four sa kanilang 9-2 baraha at ang pagpapasikat ni Tolomia ay kinilala ng UAAP Press Corps sa paggawad sa kanya ng Accel Quantum/3XVI Player of the Week citation.
“Hindi ko alam what to expect from him. But our team is based on trust. Meron kaming malaking trust sa isa’t isa,” wika ni FEU coach Nash Racela kay Tolomia.
May kumpiyansa naman si Tolomia na ang magandang ipinakita sa magkasunod na asignatura kaya nilang ulitin sa mga susunod na laro.
Sina Kiefer Ravena ng Ateneo Eagles, Jason Perkins ng La Salle at Charles Mammie ng UE Warriors ang mga tinalo ni Tolomia para sa lingguhang citation.