MANILA, Philippines - Mula sa pagiging bara-barang boksingero hanggang sa isang henyo sa ibabaw ng boxing ring.
Ganito inilarawan ni veteran boxing commentator Larry Merchant si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Sa pagsagupa ng 35-anyos na si Pacquiao kay Chris Algieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China, tiniyak ni Merchant na mahihirapan ang 30-anyos na si American challenger.
“The amazing thing about how he has evolved, is how high of a standard as a boxer he set because he still has amazing quickness and sight,” wika ni Merchant kay Pacquiao. “We may find that Algieri is stepping to a higher level which might not be good for him.”
Kasalukuyang nasa kanilang media tour sina Pacquiao at Algieri para sa promosyon ng kanilang championship fight. Kahapon ay nagtungo sina Pacquiao at Algieri sa San Francisco Chronicle at naging bisita sa Yahoo Sports Talk.
Idedepensa ng 5-foot-6 na si Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban sa 5’10 na si Algieri.
Nabawi ni Pacquiao ang nasabing titulo matapos balikan si Timothy Bradley, Jr. sa kanilang rematch.
“He’s fighting a younger bigger boxer,” sabi ni boxing commentator Larry Merchant sa pagharap ni Pacquiao kay Algieri. “In his last fight, Pacquiao outboxed the boxer Tim Bradley. Bradley couldn’t cope with his quickness and smarts. The question is whether Algieri can, and Algieri has a lot going for him in this match-up.”
Naging popular si Algieri matapos ang kanyang split decision win kay Ruslan Provodnikov para agawin sa Russian ang hawak nitong WBO light welterweight belt noong Hunyo.
Dalawang beses napabagsak ni Provodnikov, da-ting sparmate ni Pacquiao, si Algieri sa first round ngunit nakabangon patungo sa kanyang panalo. (RC)