Fil-Am cager pumirma sa LA Lakers

MANILA, Philippines - Pumirma ng kontrata si Fil-Am Jordan Clarkson sa Los Angeles Lakers para sa 2014-15 NBA season.

Si Clarkson, nakuha ng Lakers para sa $1.8 milyon sa isang draft-day trade sa Washington Wizards noong Hunyo, ang ika-13 player ng Lakers na lumagda ng kontrata.

Siya ay tatanggap ng rookie minimum na $507,336.

Kung hindi magkakaroon ng injury o hindi malalaglag sa line-up bago ang opening day, si Clarkson ang magiging ikalawang player na may dugong Pinoy na maglalaro sa NBA.

Ang una ay si Raymond Townsend, isang  6’3, 175-pound point guard mula sa UCLA na huling napili sa first round (22nd overall) noong 1978 NBA Draft ng Golden State Warriors.

Ang ina ni Townsend na si Virginia Marella ay isang Filipina na tubong Balayan, Batangas.

Ipinagmalaki naman ni Clarkson ang kanyang Filipino heritage.

“I’m part Filipino and I’m looking to be the first or one of the first Filipino-Americans to play in the NBA. I know the country is backing me. I hope to be able to visit there in the future,” sabi ni Clarkson sa slamonline.com.

Ang 6-5, 22-anyos na si Clarkson ay napasama sa line-up ng Lakers matapos ang impresibong paglalaro sa NBA summer league kung saan siya nagtala ng average na 15.8 points sa limang laro.

Si Clarkson, naglaro para sa University of Missouri at napili bilang 46th overall, ay makakasama sa LA team nina Kobe Bryant, Steve Nash, Jeremy Lin, Nick Young at Xavier Henry.

Maaaring kumuha ang Lakers ng maximum na 20 players sa training camp simula sa susunod na buwan.

Show comments