MANILA, Philippines - Pinagharian ng nadehadong Princess Ella ang 2014 Philracom 1st leg Juvenile Fillies/Colts Stakes na pinaglabanan noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Sa maigsing 1,000 metrong distansya ng karera na nilahukan ng walong kabayo pero pito ang opisyal na bilang ay nakita ang magandang kondisyon ng dalawang taong filly na anak ng Prize Cat sa Don’t Tell Ella at sinakyan ni jockey John Alvin Guce nang agad itong sumabay sa unahan bago isinantabi ang hamon ng Hook Shot.
Ang napaborang Leona Lolita na ginabayan ni Jessie Guce ay naubos sa pagpasok sa rekta at tumapos lamang sa ikatlong puwesto.
Agad na umalagwa ang Leona Lolita pero sumabay agad ang Princess Ella na tumakbo kasama ang coupled entry Cat Express.
Sa 450-metro ay kinuha na ng Princess Ella ang unahan at humahataw na ang Hook Shot sa pagdadala ni Jeff Zarate.
Nasa balya ang Hook Shot at handang-handa ng umatake pero ginamitan ni Guce ng latigo ang Princess Ella para mailabas ang buong puwersa at manalo ng isang dipa sa meta.
Ang tiyempo ng nanalong kabayo ay 59.2 segundo sa kuwartos na 13, 21’ at 25 para maibulsa ng SC Stockfarm Inc. ang P600,000.00 mula sa P1 milyong premyo.
Ang Hook Shot ay may nakamit namang P225,000.00 gantimpala.
Nakuntento ang connections ng Leona Lolita sa P125,000.00 habang ang Jazz Asia ni Rodeo Fernandez ang pumang-apat sa datingan para sa P50,000.00 premyo.
Bago ito ay naunang kuminang ang Señor Patrick sa isinagawang NPJAI – Mr. George Y. Stribling Trophy Race.
Halos fifth choice lamang ang nanalong kabayo na diniskartehan ni Pat Dilema pero malayo ang kondisyon nito sa napaborang Rio Grande ni Jeff Zarate dahil halos anim na dipa ang agwat nito sa meta.
May 1:00.8 (13-22-25’) ang winning time ng kabayong anak ng Keep Laughing at Ginger Candy para ibigay kay horse owner Patrick Uy ang P180,000.00 premyo.
Ang win ng Señor Patrick ay may P22.00 dibidendo, habang P140.50 ang 5-8 forecast at P20.50 ang ibinigay sa win ng Princess Ella at P78.00 sa 4-1 forecast. (AT)