NANJING – Umaasa ang Filipino archer na kumuha ng gold medal sa mixed team event ng 2nd Youth Olympics na mapapasigla niya ang naturang sport sa Pilipinas.
Nakitambal si Luis Gabriel Moreno, isang 16-anyos na estudyante ng La Salle Greenhills, kay Li Jiaman ng China para angkinin ang gintong medalya sa Fangshan Archery Field.
Tinalo nila sina Eric Peters ng Canada at Mirjam Tuokkola ng Finland sa semis at sina Muhammad Zarif Zolkepeli ng Malaysia at Cynthia Freywald ng Germany sa finals.
Pinalakpakan si Moreno ng mga Chinese fans nang matusok niya ang 9 sa kanyang final arrow.
Nang makausap niya ang mga reporters matapos ang awarding ceremony, sinabi ni Moreno na umaasa siyang magiging inspirasyon ng mga Filipino athletes.
“I hope I can become a symbol of inspiration to all Filipino athletes and I hope a lot of Filipino athletes will qualify next year for the Rio Olympics,” sabi ni Moreno.
Ang ama ni Moreno na si Fred Moreno ay ang bagong presidente ng Philippine Archers National Network and Alliance Inc.
“It (archery) can also be interesting. You don’t have to be tall or short, you don’t have to have long arms or short limbs. As long as you have the will and determination you can do anything,” wika ng Filipino gold medalist.
Ito ang unang gold medal ng bansa sa YOG.
Alam ni Philippine chef-de-mission Jonne Go na may kakayahang manalo ng medalya si Moreno at archer, Bianca Roxas-Chua Gotuaco.
“But we really did not expect to win the gold. That makes the victory even sweeter. We now have a gold medal in the Youth Olympics,” sabi ni Go.
Si Gotuaco, nagwagi ng gold medal sa isang torneo sa Ohio, ay nabigong makaalpas sa round of 16 sa women’s individual.
Ang iba pang miyembro ng Philippine contingent ay sina triathlete Vicky Deldio, swimmer Roxanne Yu, shooter Celdon Arellano, track bet Zion Rose Nelson at gymnast Ava Lorein Verdeflor.
Nakatakda silang bumalik sa bansa sa Agosto 29.
“We are very proud of our athletes here,” ani Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia.