MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay dapat nang pangilagan ang three-guard rotation ng Globalport para sa darating na 40th season ng PBA sa Oktubre.
Ito ang babala ni team owner Mikee Romero matapos kunin si Fil-Am guard Stanley Pringle bilang No. 1 overall pick ng 2014 PBA Rookie Draft noong Linggo.
Sinabi ni Romero na ihahanay niya ang 27-anyos na si Pringle kina guards Alex Cabagnot at Terrence Romeo.
“It should be a challenge for the coaches as well as for team management kung paano papaikutan ‘yung three-headed monster,” sabi ni Romero kina Pringle, Cabagnot at Romeo.
Ang 5-foot-11 na si Pringle ay naglaro na sa Asean Basketball League bukod pa sa pagkampanya sa Belgium, Poland at Ukraine.
“I can bring a little more experience since this is not my first professional season,” wika ni Pringle, anak ng isang retiradong US Navy veteran na si Stanley Sr. at ni Filipina Elvira Ojano Andres ng Cagayan Valley.
Maliban kay Pringle, kinuha din ng Batang Pier sa PBA Draft sina Fil-Australian forward Anthony Semerad ng San Beda, center Prince Caperal at guard John Pinto ng Arellano.