NAGA CITY, Philippines - Pinangunahan nina Mario Maglinao at Luisa Raterta ang kanilang mga dibisyon sa 21-kilometer event ng 38th National MILO Marathon Eliminations sa Naga City.
Ibinulsa nina Maglinao at Raterta ang premyong P10,000 at tiket para sa 2014 National Finals.
Kabuuang 68 runners ang tatakbo sa National Finals na nakatakda sa Disyembre 7 at makakasama sina Maglinao at Raterta.
Ang mananalong MILO Marathon King at Queen ang ipapadala ng MILO sa Japan para sa 2015 Tokyo Marathon.
Nagposte ang 26-anyos na si Maglinao ng oras na 01:12:47 para talunin sina Martin Balaybo (01:13:33) at Eugin Postrado (01:16:43).
Ang tubong Legazpi City, Albay at kasalukuyang nagtatrabaho sa Manila ay walang formal training.
Nagtala naman ng bilis na 01:32:10 ang 33-anyos na si Raterta para sikwatin ang titulo sa women’s division.
Inungusan niya sina Janette Agura (01:37:41) at Marilyn Bermundo (01:40:59).
Nagreyna ang tubong Laguna na si Raterta sa Manila leg.
Sumegunda naman siya sa National Finals ng 37th National MILO Marathon noong nakaraang taon.