MANILA, Philippines - Pagkakataon muli ng La Salle Green Archers at FEU Tamaraws na makasama ang Ateneo Blue Eagles sa tuktok ng standings sa 77th UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Patok ang Green Archers na makuha ang ikapitong sunod na panalo dahil katipan nila ang UP Maroons sa unang laro sa alas-2 ng hapon.
Galing ang nagdedepensang kampeon mula sa 88-86 panalo sa karibal na Blue Eagles sa larong nakitaan ng paglilista ng season-high na 32 points ni Jeron Teng bukod sa 6 rebounds at 5 assists.
Mas magiging kapanapanabik ang ikalawang laro sa pagitan ng Tamaraws at UST Tigers sa alas-4 ng hapon.
Papasok ang FEU galing sa 74-70 panalo sa overtime sa National University.
Sa nasabing laro ay nakita ang galing ng bench tulad nina Roger Pogoy at Carl Cruz upang may makatuwang sina Mac Belo at Mike Tolomia.
Si Cruz ang nanguna sa FEU sa kanyang 16 points at siya ang nagpatabla sa regulation at nagbigay ng krusyal na puntos sa endgame para umakyat sa 6-2 baraha.
“It’s fulfilling to see na ang mga players namin ay may inilalabas pa sa mga ganoong sitwasyon,” wika ni FEU coach Nash Racela.