MANILA, Philippines - Nagkaroon ng pagkakataon ang kabayong Malaya na patunayan na ito ang pinakamahusay na filly sa taong ito.
Ang Hopeful Stakes race leg winner Malaya na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ay isa sa walong kabayo na nominado para tumakbo sa 2014 Philracom Lakambini Stakes Race sa Agosto 31 sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Ang distansya ng karera ay nasa 1,800-metro at ang karera ay iniaalay para kay Jose “Mang Peping” L. Santos.
Makakaribal uli ng Malaya ang coupled entries na Kaiserlautern at Marinx na galing sa kuwadra ni Leonardo “Sandy” Javier Jr.
Ang Malaya, Marinx at Kaiserlautern ay naglaban sa PCSO-Bagatsing Cup Division II noong nakaraang Linggo at nanaig ang una sa coupled entries.
Ang iba pang kasali ay ang Misty Blue, Morning Time, Oyster Perpetual, Real Lady at Yes I Can.
Pinasarap ang laban sa paglalaan ng Philippine Racing Commission ng P1.2 milyon gantimpala at ang mananalo ay mag-uuwi ng P720,000.00 habang ang winning breeder ay mayroong P50,000.00 premyo.
Ang papangalawa ay magkakamit ng P270,000.00 habang ang papangatlo at papang-apat ay may P150,000.00 at P60,000.00 premyo.
Samantala, ang walong kabayo pero pito lamang ang opisyal na bilang, ang magtutuos sa 1st Leg ng Juvenile Fillies/Colts Stakes race sa Linggo (Agosto 24) sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Sa final declaration ay ipinatala ang mga kabayong Cat Express at coupled entry Princess Ella, Hook Shot, Jazz Asia, Karangalan, Leona Lolita, Super Spicy at Viva La Vida para magsukatan sa 1,000-metro distansya.
Paglalabanan dito ang P1 milyon kabuuang premyo at P600,000.00 ang mapupunta sa champion horse at P30,000.00 sa winning breeder.
Halagang P225,000.00, P125,000.00 at P50,000.00 ang mapupunta sa mga may-ari ng kabayong lalapag sa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto. (AT)