MANILA, Philippines - Nakuha ng Walk The Talk ang pangalawang dikit na panalo matapos magdomina sa nilahukang karera noong Martes ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si Jeff Zarate pa rin ang hinete ng kabayo na napangatawanan ang pagiging paborito sa limang kabayong naglaban sa Class Division 1A race sa 1,400-metro distansya.
Sa back stretch nag-init ang Walk The Talk para maisantabi ang naunang pamamayagpag ng Respect sa pagdiskarte ni JD Juco.
Malakas na rin ang pagdating ng dehadong Karrie at ipinalagay na makakaya ng kabayong diniskartehan ni RV Brady na makasilat dahil sabay nilang binagtas ng paboritong kabayo ang huling kurbada.
Pero ang nasa labas na Walk The Talk ay puno pa para iwanan ang dating kasabayan tungo sa limang dipang panalo.
Humakot ng P423,343.00 sales sa P609,913.00 total sales sa Daily Double, ang tiyempo ng Walk The Talk ay 1:25.4 sa kuwartos na 13’, 22’, 23 at 26’.
Pumangalawa ang Karriee na kumabig lamang ng P18,524.00 sa Daily Double bago tumawid ang Respect, Nice at Tribal King.
Pumalo pa sa P6.00 ang win habang ang 3-5 forecast ay naghatid ng P43.50.
Humataw pa si Zarate sa kabayong Tellmamailbelate para lumabas na pinakamatikas na hinete sa unang gabi sa pista ng Metro Turf Club.
Ang pangalawang kabayo na kanyang naipanalo ay ang nadehado pang Tellmamailbelate sa Class Division 3 na siyang huling karera sa walong pinaglabanan.
Kasabayan ng Tellmamailbelate ang Savannah Bull ni AR Villegas at John’s Memory ni Jonathan Hernandez pero sapat pa ang lakas ng kabayo para maipagpag ang hamon ng dalawang kabayo.
Nakaungos pa ang John’s Memory sa Savannah Bull para sa pangalawang puwesto.
Dehado ang Tellmamailbelate dahil naghatid ito ng P45.50 habang ang 6-8 forecast ay may P103.50 dibidendo.
Nakita rin ang husay ng Pearl Bull nang dominahin ang 3YO and Above Maiden race sa 1,200-metro distansya at maiuwi sa connections ang P10,000.00 premyo na handog ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Paborito sa nasabing kabayo na sakay ni Jessie Guce at wala itong naging problema dahil banderang-tapos ang nailistang panalo sa 1,200-metro distansya.
Ang second choice na Kinagigiliwan sa pagdiskarte ni EL Blancaflor ang pumangalawa at ang tambalan na 3-6 ay may P12.00 dibidendo sa forecast. Nasa P12.00 din na ipinamahagi sa win. (AT)