NU, DLSU pasok sa semis ng UAAP badminton

MANILA, Philippines - Nakasiguro ang National University at La Salle ng semifinals berths sa men’s division gayundin ang women’s division leader na University of the Philippines matapos ang aksiyon noong Linggo sa UAAP Season 77 badminton tournament.

Tinalo ng Bulldogs at Green Archers ang University of the East at University of Santo Tomas, ayon sa pagkakasunod sa magkaparehong 5-0 score sa mga larong idinaos sa Rizal Memorial Badminton Hall.

Nakapanorpresa naman ang Lady Maroons na naungusan ang Tigresses, 3-2 para manatiling malinis matapos ang 5-laro.

Nanguna si Peter Gabriel Magnaye para sa NU, habang si Gerald Sibayan pa rin ang nagdala sa La Salle.

Sa iba pang resulta ng  men’s division, pinangunahan ni MVP Patrick Natividad ang pagblangko ng Ateneo sa  Adamson, 5-0 habang hindi rin pinaiskor ng UP ang FEU, 5-0.

Nanatili ang Blue Eagles sa third place sa 4-1 karta para makalapit sa semis berth habang katabla ng Fighting Maroons ang Growling Tigers sa fourth place sa 2-3.

Laglag ang Falcons at Red Warriors sa 1-4.

Show comments