MANILA, Philippines - Magtitipun-tipon ang mga batang manlalaro ng National Capital Region sa Marikina Sports Complex mula sa Biyernes para sumali sa 27th Milo Little Olympics NCR elimination.
Nakikitang mahigpitan ang labanan ng mga lalahok sa kompetisyon na gagawin mula Agosto 23-24 at 30-31, dahil ang mga mananalo ng gintong medalya ay uusad sa National Finals at posibleng masama sa kasaysayan. Ang National Finals ay gagawin sa Oktubre 24 hanggang 26 sa Marikina.
“Sa huling dalawang sunod na edition ay ang NCR ang naging overall champion ng Milo Little Olympics. Kung sila pa rin ang manalo, sila pa lamang ang ikalawang delegasyon na makakagawa nito at maiuuwi ang perpetual trophy,” wika ni NCR organizer Robert Calo na sinamahan sina Milo Sports Executive Robbie De Vera at consultant Pat Goc Ong sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Ang unang naka-3-peat at may perpetual trophy sa palarong bukas sa mga elementary at secondary athletes ay ang Visayas matapos magdomina mula 2009 hanggang 2011.
Siyam na sports na athletics, basketball, badminton, chess, football, gymnastics, lawn tennis, swimming, table tennis, taekwondo, volleyball, sepak takraw at scrabble ang paglalabanan sa siyam na palaruan.
Ipinagmalaki naman ni De Vera na mga kagamitang ginagamit ng kasapi ng national teams ang siyang pag-lalaruan ng mga atleta para sa kakaibang karanasan.
Ito na ang ikatlong regional eliminations na gagawin sa taong ito at unang natapos ang Visayas leg sa Cebu City noong nakaraang linggo habang sa linggong ito magwawakas ang aksyon sa Mindanao sa Cagayan de Oro City.
Ang Luzon elims ay nakakalendaryo sa Setyembre sa Baguio City. (AT)