UAAP-PC ACCEL Quantum/316 Player of the Week

MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay si Kiefer Ravena ng Ateneo Blue Eagles ang siyang ginawaran ng UAAP Press Corps-Accel Quantum Plus/316 Player of the Week citation matapos kakitaan ng tibay ng dibdib sa nakuhang panalo laban sa UST Tigers at UE Warriors.

Tunay na nasukat  ang Eagles sa Tigers at Warriors pero naroroon si Ravena na siyang naghatid ng mga pampanalong buslo upang tapusin ng Eagles ang first round elimination na nasa itaas ng team standings sa 6-1 karta.

Nag-average ng 27.5 puntos, 7 rebounds at 6.5 assists, tinapos ni Ravena ang kahanga-hangang laro sa pagtatala ng career high na 38 puntos bukod sa siyam na assists at limang rebounds.

Bumangon si Ravena mula sa 2-of-9 shooting sa first half nang magbagsak ng 19 puntos sa second half. Kasama rito ang pull-up jumper para magtabla ang Eagles at Warriors sa 80-all sa regulation bago inako ang huling pitong puntos sa overtime para sa 93-91 panalo.

Bago ito ay naipasok din ni Ravena ang 15-footer laban sa depensa ni Karim Abdul at ibigay sa Ateneo ang 63-61 tagumpay.

Ayaw ni Ravena na solohin ang kredito sa magandang ipinakikita kungdi tinuran din ang pagtitiwala ng mga kakampi para magawa ang mga bagay na naipakita sa huling dalawang laro.

“Nakakatanggal ng kaba kung ang mga coaches at mga teammates mo, sila ang nagtitiwala sa iyo. At least nai-ease ang pressure,” wika ni Ravena. (AT)

Show comments