MANILA, Philippines - Binomba ni Philip Paniamogan ang 26 puntos sa second half ang Mapua Cardinals para kunin ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang 87-78 panalo sa 90th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Tatlong sunod na 3-pointers ang binitiwan ni Pa-niamogan sa pagsisimula ng ikaapat na yugto para bigyan ang Bombers ng 11 puntos na kalamangan, 77-66, at tiyakin ang ikaapat na sunod na panalo.
Sa pangkalahatan, ang Bombers ay may 6-3 karta para angkinin ang ikatlong puwesto sa team standings.
“Minamadali ko ang mga tira ko kaya ang ginawa ko ay nag-adjust ako,” wika ng 23-anyos tubong Cagayan de Oro na may 14 puntos sa huling yugto.
Sa ikatlong yugto nag-init si Paniamogan at naghatid ng 12 puntos na kinatampukan ng tres na nasama sa 8-0 bomba para hawakan ng tropa ni coach Vergel Meneses ang 68-60 bentahe.
Bumaba ang Cardinals sa ikawalong pagkatalo sa siyam na laro at nasayang ang 21 puntos, 10 assists at 9 rebounds ni Carlos Isit.
Binigyan ng Emilio Aguinaldo College Gene-rals ng disenteng pagtatapos ang kampanya sa first round sa 71-56 panalo sa San Sebastian Stags sa unang laro.
Isinantabi ni Noube Happi ang pananakit ng likod at kumulekta ng 13 puntos at walong rebounds para ipakita ang determinasyon na maipanalo ang laro at magkaroon ng momentum papasok sa mahalagang ikalawang round.
Si John Tayongtong ay mayroong 17 puntos at walo rito ay ginawa sa huling yugto habang sina Jan Jamon at Jack Arquero ay may 16 at 13 puntos pa.
Ikalimang pagkatalo ito ng Baste at tanging si Jaymar Perez ang nakitaan ng magandang laro sa kanyang 18 puntos at 10 rebounds. Ang iba pang beterano na sina Jovit dela Cruz, Bradwyn Guinto at Jamil Ortuoste ay nagsanib lamang sa 20 puntos. (AT)