DUBAI -- May kakulangan sa laki at lakas, hangad ng Team Philippines na makapanggulat sa pamamagitan ng kanilang bilis sa FIBA U17 World Championship dito.
Sasandal si Batang Gilas head coach Jamike Jarin sa liksi ng kanyang koponan para malampasan ang hamon sa pagiging pinakamaliit sa nasabing 16-nation meet.
Kasama ang two-time champion United States, Angola at Greece sa grupo, may kahinaan ang mga Filipino sa loob sa sandaling kaldagin sila ng mas malalaking koponan.
“We need to run. Against tall teams, we really don’t want to see them play in a slow set game,’’ wika ni Jarin.
May average height na six feet, aasa ang Batang Gilas sa magkapatid na Mike at Matt Nieto ng Ateneo De Manila University, Richard Escoto ng Far Eastern University, Jolo Mendoza ng Ateneo at Paul Desi-derio ng University of the Philippines.
Sasandigan din ni Jarin sina Mikel Panlilio ng International School Manila, Diego Dario ng UP, Mike Dela Cruz ng La Salle Greenhills, Enzo Navarro ng San Sebastian College, Carlo Abadeza ng Arellano University, Arnie Padilla ng FEU at Jollo Go ng Hope Christian High School.
Matapos ang Angola, lalabanan ng Filipinos ang Greeks bukas bago ang one-day break. Isusunod nila ang United States sa Lunes at kung aabante sa second round ay makakatapat nila ang Australia, Canada, France o Japan sa isang crossover make-or-break affair.