MANILA, Philippines - Magsasagupa ang San Beda at Perpetual Help ngayon sa inaasahang magi-ging mainit na labanan ng dalawang title contenders habang maghaharap naman ang Lyceum at San Sebastian sa pagpapatuloy ng 90th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Bagama’t dinomina ng Red Lions ang Altas sa kanilang mga naunang paghaharap, ang Las Piñas-based squad ay nagpamalas ng solid games sa simula ng season.
Dahil dito, nag-aalala si SBC coach Boyet Fernandez sa kanilang alas-2:00 ng hapong pakikipagharap sa Perpetual.
“It would be another great match. Playing against Perpetual Help is always tough,” sabi ni Fernandez na nais pahigpitin ang kapit ng Red Lions sa liderato sa pagtatapos ng kanilang first round elimination assignments.
Sa taglay na 6-1 record, ang San Beda ay lamang ng isang laro sa Arellano (5-2) habang ang Perpetual Help ay nasa third place sa 4-2 record kasunod ang Jose Rizal U at St. Benilde na parehong may 4-3 karta.
Lumalakas ang second stringers ng Perpetual na malaking tulong kina top guns Juneric Baloria, Harold Arboleda at Earl Thompson.
“It’s not just about the big three of Baloria, Arboleda and Thompson anymore, (Justine) Alano has been playing well and Joel Jolangcob has been giving good energy off the bench, so we have to watch out for them,“ sabi ni Fernandez.
Ngunit maraming dapat gawing adjustments si Perpetual Help coach Aric del Rosario sa depensa para pigilan sina Ola Adeogun, Art dela Cruz at Baser Amer na pambato ng San Beda.
Magsasagupa naman ang Pirates at Stags sa alas-4 ng hapon na parehong nais makabangon.
Natalo ang Lyceum sa huling 2-laro para bumagsak sa 4-4 habang ang San Sebastian ay nasa three-game losing skid.