41st World Chess Olympiad Phl chessers isinalba ni Bersamina

MANILA, Philippines - Isinalba ni Rookie Paulo Bersamina ang araw para sa Philippine men’s team na naitakas ang 2-2 draw sa mas mataas na seed na Bosnia Herzegovina habang iginupo ng women’s squad ang International Chess Committee of the Deaf, 3.5-.5, upang manatiling malinis sa 41st World Chess Olympiad sa Tromso, Norway matapos ang aksiyon nitong Linggo ng gabi.

Si Bersamina, last-mi-nute na ipinalit kay Wesley So na mas piniling maging coach sa American men’s team,  ay gumamit ng kanyang mapanganib na pares ng bishops upang igupo si FIDE Master Dejan Marjanovic sa 50 moves ng King’s Indian Defense para iiwas ang koponan ng mga Pinoy sa kabiguan.

Nilabanan naman ni Grandmaster Julio Catalino Sadorra si GM Borki Predojevic sa 51-move ng larong French trasposed habang nalusutan ni GM Eugene Torre ang pawn disadvantage para makihati sa puntos kay International Master Denis Kadric sa 45 moves ng Pirc Defense.

Ang tanging natalo ay si GM John Paul Gomez na nawala sa Accelerated Dragon variation ng Sici-lian laban kay GM Dalibor Stojanovic sa 37 moves.

Patuloy naman sa pagpapakitang gilas ang women’s squad nang magsipag-panalo sina Cheradine Camacho, Janelle Mae Frayna at Jan Jodilyn Fronda laban kina Tatiana Baklanova, Annegret Mucha at Natalya Myronenko sa top three boards, ayon sa pagkakasunod.

Kasama  ang mga Pinay sa 32 koponan na kabilang ang top seed China at defending champion Russia na may tig-4 puntos at susunod nilang kalaban ang eighth seed Poland.

Ang men’s team ay kasama sa 12-team logjam para sa 20th place at sunod nilang kalaban ang second seed Ukrain na kinabibilangan ni World Challenger GM Vassily Ivanchuk  sa third round.

 

Show comments