Arellano iniligtas ni Holts

MANILA, Philippines - Hindi pinahintulutan ni Dioncee Holts na lumasap ng dalawang sunod na pagkatalo sa dikitang laro ang Arellano Chiefs nang angkinin ang mahalagang defensive play para itulak ang koponan sa 63-62 panalo sa Letran Knights sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Nakabalik agad sa depensa ang American center para butatain ang undergoal shot ni Ford Ruaya para makabangon agad ang Chiefs mula sa 98-99 triple-overtime na pagkatalo sa kamay ng host Jose Rizal University sa huling asignatura.

Si Keith Agovida ang nanguna sa tropa ni coach Jerry Codiñera sa kanyang 14 puntos at siya ang naghatid ng huling anim na puntos, tampok ang follow-up sa sariling mintis na nagbigay ng isang puntos kalamangan.

“Hindi basta-basta susuko ang Knights. Kaya ma-laking tulong ang ginawa nina Keith at Dioncee sa endgame,” papuri ni Codiñera sa dalawang manlalaro.

Winakasan naman ng Emilio Aguinaldo College Generals ang limang sunod na kabiguan sa 89-78 panalo sa Mapua Cardinals sa pangalawang laro.

May 21puntos, 9 rebounds at 2 assists si Jan Jamon para suportahan ang 23 puntos, 5 rebounds, 5 assists at 3 steals ni John Tayongtong para masaluhan ng Gene-rals ang Knights sa ikawalong puwesto.

Nasayang ang 19 puntos at 12 boards ni Joseph Eriobu dahil lalo lang nabaon sa huling puwesto ang Mapua sa 1-7 baraha.

Si Jiovani Jalalon ay may impresibo ring 13 puntos, siyam na rebounds, anim na assists at dalawang steals pero hindi niya natapos ang laro dahil sa pagkakaroon ng limang fouls sa kalagitnaan ng huling yugto.

May siyam na puntos si Holts tulad ni John Pinto na ang travelling error sa huling 12.8 segundo ang nagbukas pa ng pintuan sa Knights na maagaw ang panalo.

Si Racal ay mayroong 14 puntos, 14 rebounds at 5 assists habang si Mark Cruz ay may 12 para sa Knights na nalaglag sa 2-5 karta.

 

Show comments