Liderato pupuntiryahin ng PLDT kontra Ateneo

MANILA, Philippines - Kakalas ang PLDT Home Telpad sa isang three-way tie sa unang pu­westo, habang ka­ka­pit pa ang Air Force sa maha­lagang pang-apat na puwesto sa pagsisi­mu­la ng quarterfinals ng Sha­key’s V-League Season 11 Open Conference sa The Are­na sa San Juan Ci­ty.

Anim na koponan na lamang ang maglalaban-laban para madetermina kung sino ang apat na uusad sa semifinals sa li­­gang inorganisa ng Sports Vi­sion katuwang ang Sha­key’s at may ayuda ng Accel at Mikasa.

Haharap ang Turbo Boos­ters sa Ateneo Lady Eagles sa tampok na laro hangad ang ika-pitong pa­nalo sa walong laro na maglalapit din sa kopo­nan sa puwesto sa Final Four.

Ang Army Lady Troo­pers at ang nagdedepensang Cagayan Valley Lady Rising Suns ay may 6-1 karta kaya’t pansa­mantalang hahawakan ng so­lo ng PLDT ang lide­ra­to kung mananalo sa La­dy Eagles na nasa ika­anim na puwesto sa 2-5 ba­raha.

Mahirap na daan ang tatahakin ng Ateneo para umabante pa dahil dalawang laro ang hinahabol nila sa Air Force sa 4-3 kar­ta ang may tangan sa huling upuan na aabante sa susunod na yugto.

Yumuko ang Lady Eagles sa Turbo Boos­ters sa kanilang pagkikita sa elims, 21-25, 13-25, 24-26, at papasok sa laro buhat sa five-sets loss sa Ar­my at Cagayan Valley.

Ngunit ang determi­nasyon ng koponang pi­nangungunahan ni Alyssa Valdez ang kanilang hu­hugutan ng lakas para ma­­silat ang PLDT.

 

Show comments