Kid Molave inungusan ang Pugad Lawin sa palakihan ng kinita

MANILA, Philippines - Ang panalo sa ikalawang yugto ng 2014 Philracom Triple Crown Championship noong nakaraang buwan ay sapat na para maagaw ang liderato sa Pugad Lawin kung ang palakihan ng kinita ang pag-uusapan.

Tatlong panalo na ang naitala ng Kid Molave sa taon at ang dalawang sunod na pangunguna sa premyadong karera para sa mga edad tatlong taon gulang na mga kabayo ang nakatulong para magkaroon na ng kabuuang kita na P3,734,089.04 ang nasabing kabayo.

Ang Pugad Lawin na may dalawang panalo na, tampok ang PCSO Silver Cup noong nakaraang buwan ay nasa ikalawang puwesto bitbit ang P2,936,567.19 kinita.

Ang Karapatan na lumasap ng unang pagkatalo matapos ang 12 sunod na panalo noong Hunyo ang nanatili sa ikatlong puwesto sa P1,722,232.72 habang ang Super Charge at Airway ang kukumpleto sa unang limang puwesto matapos ang buwan ng Hunyo.

May P1,622,229.74 kinita ang Super Charge mula sa siyam na panalo, pitong segundo at 1 tersero puwesto habang ang Airway ay mayroong P1,468,094.92 mula sa siyam na panalo, apat na segundo at tatlong tersero puwestong pagtatapos.

Ang premyadong ka­bayo na Hagdang Bato ang nasa ikaanim na puwesto bitbit ang P1,420,000.00 mula sa isang panalo at isang segundo puwesto habang ang Golden Rule, Armoury, Tensile Strength at Dixie Gold ang kukumpleto sa unang sampung puwesto.

May P1,402,358.62 ang Golden Rule mula sa 9-3-1-2 karta, ang Armoury ay kumabig na ng P1,319,948.95 (8-3-0-1), ang Tensile Strength ay mayroong P1,256,865.94 (4-2-2-0) at ang Dixie Gold ay  nakapaghatid na ng P1,216,984.11 mula sa tatlong panalo at isang segundo puwestong pagtatapos.

May 28 kabayo na ang kumita ng mahigit isang milyon piso at kasama rito ang mga beterano ng Triple Crown na Kanlaon (P1,105,449.77), Malaya (P1,038,319.34) at King Bull (P1,027,100.36). (AT)

Show comments