MANILA, Philippines - Sunud-sunod ang hataw ni Maika Ortiz upang ihatid ang RC Cola-Air Force sa pinaghirapang 16-25, 25-21, 19-25, 25-20, 15-12 panalo kontra sa PLDT Home TVolution sa kanilang sudden-death semifinal match kahapon sa 2014 PLDT Home-Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament sa Cuneta Astrodome.
Dahil ‘di matinag ang Power Attackers, iniskor ni Ortiz ang apat sa huling anim na puntos ng RC Cola upang tulungan ang Raiders na makuha ang unang finals slot sa women’s division ng inter-club tournament na ito na suportado ng PLDT Home DSL katulong ang Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Naglalaro pa ang reigning champion Generika-Army at AirAsia habang sinusulat ang balitang ito para sa karapatang harapin ang Raiders sa do-or-die finals showdown sa susunod na linggo.
Kinana ni Ortiz, star player ng University of Santo Tomas, ang 14 sa kanyang team-high 17 points sa kills bukod pa sa kanyang tatlong blocks.
Sinuportahan nina Iari Yongco at Joy Cases si Ortiz sa kanilang 12 at 10 points, ayon sa pagkakasunod para sa Raiders na papasok sa finals matapos ma-ngulelat noong nakaraang kumperensiya.
“Maika stepped up down the stretch,” sabi ni RC Cola-Air Force coach Clarence Esteban. “But aside from Maika’s strong performance, it was momentum and defense that won us the game. We foiled all of their attacks and converted those into points.”
Kinuha naman ni Sue Roces ang 16 sa kanyang kabuuang 20 points mula sa kills habang si Lou Ann Latigay ay may 18 smashes para sa PLDT na nakapagtala ng impresibong four-set win kontra sa da-ting walang talong Petron sa quarterfinals.