Dehadista nagpiyesta sa Just For Keeps

MANILA, Philippines - Nakapanorpresa ang kabayong Just For Keeps nang manalo ito bilang dehado sa isinagawang pista sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite noong Martes.

Tila nagustuhan ng kabayo ang maputik na pista bukod sa malamig na panahon dahil sa pagdating ng bagyong Glenda para lumabas ang da­ting tikas ng kabayo.

Ito ang unang takbo ng kabayo sa taon at huli bago nagbakasyon ay tu­ma­pos sa una at ikala­wang puwesto noong Agosto 22 at Setyembre 23 ayon sa pagkakasunod.

Ang apprentice jockey CS Penolio ang siyang dumiskarte sa pagkakataong ito sa Just For Keeps at naisantabi ng tambalan ang dehado pang Silver Screen ni class D jockey LF De Jesus.

Sa class division 1A na inilagay sa 1,500-metro distansya ginawa ang labanan at naghatid ang win ng P177.00 habang ang 6-2 forecast ay mayroong P1,389.50 dibidendo.

Nakatikim din ng panalo ang Valkan Lady sa pagdadala ni LC Lunar sa 3YO Maiden Division A,B & C sa 1,500-metro distansya.

Naipakita ni Lunar na gamay niya ang nasabing kabayo para manalo sa hamon ng Pax Britannica sa pagdadala ni Fernando Raquel Jr.

Nabakasyon ang nasabing kabayo sa loob ng dalawang buwan at bago nagbakasyon ay tumapos sa dalawang tersero at isang segundo puwesto.

Napaboran ang Valkan Lady para makapaghatid ng P10.00 dibidendo habang ang 8-4 forecast ay may P21.50 dibidendo.

Nakuha ng Candy Crush ang ikatlong sunod na panalo pero sa pagdadala ngayon ni Jeff Zarate.

Sina Pat Dilema at Raquel ang mga hineteng dumiskarte sa naunang dalawang dikit na panalo ng Candy Crush para magpasok pa ng P7.00 sa win.

Ang Red Heroine ang pumangalawa at ang 2-1 forecast ay mayroong P38.00 dibidendo. (AT)

Show comments