ALMATY, Kazakhstan – Sumuntok si Rey Saludar ng PLDT-ABAP Team ng finals ticket para makapasok sa gold medal round ng 4th President’s Cup dito sa Baluak Sholan Palace of Culture and Sports.
Dinaig ng 2010 Asian Games champion si London Olympian Ilyas Seleimenov ng host country via split decision, 29-28, 29-28 at 28-29, sa kanilang semifinals match.
Sinunod ni Saludar ang utos nina National coaches Nolito Velasco at Elmer Pamisa na magpakawala ng double left straights na tumama kay Suleimenov.
Ilang beses inireklamo ni Saludar ang Kazakh fighter ng paniniko at headbutts.
Sa Finals ay makaka-agawan ni Saludar para sa gintong medalya si Shahobiddin Zoirov, umakyat sa flyweight class mula sa light flyweight.
Dalawang beses binigo ni London Olympian Mark Anthony Barriga ng Panabo, Davao del Norte si Zoirov.
Bukod kay Saludar ay lalaban din sa gold medal round si Charly Suarez, makakatapat si veteran Berik Abdrahmanove.