MANILA, Philippines - Ipinakita ni Cameroonian import Guy Mbida ang kanyang abilidad para tulungan ang Lyceum Pirates sa 74-70 panalo sa Letran Knights sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang 6’2” na si Mbida ay naghatid ng 15 puntos bukod sa 12 rebounds para suportahan ang 16 puntos na ginawa ni Dexter Zamora.
Sina Wilson Baltazar at Shane Ko ay nagsanib sa 25 puntos para makaba-ngon din ang Pirates mula sa 80-93 pagkatalo sa Arellano sa unang laro.
Walang naging problema ang 4-time defending champion San Beda Red Lions sa pagharap sa kulang sa tao na Mapua Cardinals nang kanilang ilampaso ito, 89-55, tungo sa kanilang ikalawang sunod na panalo.
Hindi sumablay sa anim na tres sa first half si Baser Amer at tumapos siya sa laro bitbit ang 21 puntos mula sa 7-of-9 shooting sa 3-point arc para sa Lions.
May kabuuang 14 three-pointers ang San Beda sa laro upang ipalasap sa Cardinals ang ikalawang 30-point plus pagkatalo sa season matapos ang 57-91 pagkadurog sa Perpetual Help Altas.
Hindi nagamit ni coach Bonnie Tan si Mbida sa naunang laro dahil sa ilang problema kaya’t puring-puri niya ito sa naipakita.
“Maliit siya pero kaya niyang dalhin ang sarili,” wika ni Tan na ngayon ay nasa ikaanim na puwesto sa team standings.
Ikalawang sunod na pagkatalo ito ng Knights at hindi nila napanatili ang malakas na panimula na kung saan angat sila sa Pirates, 21-13, matapos ang unang yugto. Sa ikalawang canto ay nag-init si Zamora at naghatid ng 11 puntos para agawin ng Lyceum ang bentahe sa 39-35 habang lumawig ito sa 66-57 nang nanalasa si Mbida.
Nakapanakot pa ang Knights nang dumikit sa tatlo, 73-70, sa triple ni Mcjour Luib pero gumanti si Joseph Gabayni ng split sa free throw line sa huling walong segundo para ipatikim sa Knights na pumangalawa sa liga sa huling dalawang taon, ang ikalawang sunod na kabiguan. (AT)