MANILA, Philippines - Hiniya ng mga Perpe-tual Help veterans na sina Earl Scottie Thompson at Juneric Baloria ang buong Mapua Cardinals nang magsanib ng puwersa ang dalawa sa 53 puntos sa 91-57 pagdurog sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sa first half pa lang ay gumawa na si Thompson at Baloria ng 11 at 14 puntos para bigyan ang Altas ng 39-26 halftime lead.
Hindi na nagpabaya ang tropa ni coach Aric Del Rosario dahil bukod sa siyam at anim na puntos mula kina Thompson at Baloria ay may anim pa si Joel Jolangcob para gawing 30 puntos ang layo ng Altas, 65-35.
Magkasunod na transition lay-up ni Thomspon na sinundan ng pangatlong triple sa laro ni Baloria ang nagtakda sa pinakamala-king bentahe ng bakbakan na 37 puntos, 83-46.
Mainit na pagsalubong naman sa bagong coach na si Jerry Codiñera ang ibinigay ng Arellano Chiefs nang iuwi ang 93-80 panalo sa Lyceum Pirates sa ikalawang laro.
Isang 17-2 run para tapusin ang aksyon sa ikatlong yugto ang siyang nagbangon sa Arellano mula sa walong puntos na pagkakalubog tungo sa 65-58 bentahe. Pitong sunod na puntos ang ginawa ng Chiefs sa pagsisimula ng huling yugto para palobohin ang angat sa 14, 72-58.
Sina John Pinto, Levi Hernandez at Keith Ago-vida ang mga gumawa para sa Chiefs sa kanilang 20, 16 at 13 puntos.
Ang 23-anyos na si Thompson na noong nakaraang taon ay binagabag ng slip disc injury, ay tumapos taglay ang solidong 27 puntos, 16 rebounds, 6 assists at tig-dalawang steals at blocks sa 35 minutong paglalaro habang ang 24-anyos na si Baloria ay mayroong 26 puntos sa 29 minutong paglalaro.
Ang 34-puntos kalamangan ang lalabas na ikalawang pinakamalaki matapos ang 118-64 dominasyon ng San Beda sa EAC na nangyari noong Setyembre 2, 2011.