MANILA, Philippines - Nakatikim rin ng panalo ang Quitek Willy sa buwan ng Hunyo nang pagharian ang class division 1 race noong Biyernes sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Jessie Guce ang siyang pinagdiskarte sa kabayong dating hinawakan nina AB Serios at WC Utalla upang makumpleto ang pag-angat ng kalidad na nasilayan sa buwang ito.
Bago ito ay tumapos muna ang Quitek Willy sa ikaapat na puwesto sa paggiya ni Serios.
Paborito ang nanalong kabayo, habang ang dehadong Sir Jeboy ni MV Pilapil ang siyang pumangalawa sa karerang pinaglabanan sa 1,200-metro distansya.
Ang hindi inaasahang datingan ng dalawang kabayo ay naghatid ng P1,127.50 dibidendo sa forecast matapos ang P13.00 dibidendo sa win.
Kuminang din ang kabayong Escopeta sa pagdadala ni Jordan Cordova at lumabas bilang pinakaliyamadong nanalo sa pagtatapos ng dalawang araw na pista sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Paborito ang Escopeta matapos ang pangalawang puwestong pagtatapos noong Hunyo 21 at tinalo nito ang Huffle Puff na hawak ni Guce.
May P7.00 ang ibinigay sa win, habang P18.50 ang ipinasok sa 3-6 forecast.